Paano Kuwentahin ang 13th Month Pay sa Pilipinas (2026)

Ang 13th month pay ay one-twelfth (1/12) ng basic salary na talagang kinita ng empleyado sa loob ng taon. May karapatan dito ang lahat ng rank-and-file na empleyadong nakapagtrabaho ng kahit isang buwan, at dapat itong maibigay sa o bago ang December 24. Tax-free ito, kasama ang iba pang bonus, hanggang ₱90,000 kada taon.
13th month pay = kabuuang basic salary mula Enero hanggang Disyembre ÷ 12
Hakbang-hakbang
- Pagsamahin ang basic salary na binayaran sa buong taon. Huwag isama ang overtime, holiday premium, night differential at allowance na hindi bahagi ng basic pay.
- Ibawas ang absent at leave na walang bayad, dahil hindi ito kinita.
- Hatiin sa 12.
Tatlong halimbawa
1. Buong taon, walang absent
₱18,000 × 12 = ₱216,000 ÷ 12 = ₱18,000.00.
2. Na-hire noong kalagitnaan ng Agosto
₱18,000 × 4.5 buwan = ₱81,000 ÷ 12 = ₱6,750.00.
3. Buong taon na may 5 araw na unpaid absent, 6 na araw kada linggo
Arawang rate: ₱18,000 × 12 ÷ 313 = ₱690.10. Ang limang araw ay ₱3,450.50, kaya ang 13th month pay ay (₱216,000 − ₱3,450.50) ÷ 12 = ₱17,712.46.
Sino ang may karapatan?
Lahat ng rank-and-file na empleyado sa private sector na nakapagtrabaho ng kahit isang buwan sa taon, anuman ang status (regular, probationary, contractual) o paraan ng sahod (buwanan, arawan, piece rate). Hindi sakop ng batas ang managerial employees, pero marami pa ring kumpanya ang nagbibigay. Ang nag-resign o natanggal ay may prorated na halaga kasama ng final pay.
Puwede bang hatiin sa dalawa?
Oo. Maraming employer ang nagbibigay ng kalahati sa Mayo o Hunyo at ang natitira sa Disyembre. Ang mahalaga, buo na ito pagdating ng December 24.
May tax ba ang 13th month pay?
Ang sobra lang sa ₱90,000. Kasama sa ceiling na ito ang 13th month pay at iba pang bonus, kaya ang malaking Christmas bonus ay puwedeng gawing taxable ang bahagi nito. Tingnan ang withholding tax table.
Holiday, overtime at 13th month, kuwentado para sa lahat
Markahan ang araw nang isang beses at tama ang premium sa bawat payslip; ang 13th month ay mula sa talagang kinita ng bawat isa.
Mga madalas itanong
- Kailan ang deadline ngayong 2026?
- Huwebes, December 24, 2026. Special non-working day din ang araw na iyon ngayong taon, kaya mas mabuting ibigay sa mas maagang banking day.
- Pareho ba ang 13th month pay at Christmas bonus?
- Hindi. Obligado sa batas ang 13th month pay (PD 851); boluntaryo ang Christmas bonus maliban kung nasa kontrata o nakagawian na ng kumpanya.